Isinulat ni Honey Khryzsean L. Ang
“You are never too old to set another goal or to dream a new dream” – Les Brown
Gaano ka man katanda, maari ka pa rin magsimula ng bagong layunin at mangarap ng bagong pangarap. Hindi pa huli; marami pang oras para may matuklasan na bagong talento, ang kailangan lang natin ay magsimula.
Noong nakaraang taon, napagtanto ko na gusto ko pang mas humusay sa aking mga talento at sa parehong oras ay gusto ko rin makadiskubre ng bagong talento. Dahil dito, buong taon kong pinaghirapan at pinagtiyagaan ang aking mga talento. Sa simula ng taon, aking ipinagbutihan ang patuloy na pagpapahusay sa aking matagal na na naidiskubreng talento, ang calligraphy.
Buong bakasyon ako gumawa ng mga artworks at ipinagpatuloy and pagpapayaman sa aking kakayahan sa pagsusulat. Isinigurado ko na araw-araw akong may isinusulat, kahit isang salita lamang, para mas lalo akong humusay sa pagsusulat.
Bukod sa paghuhusay sa aking mga munting kakayahan, napag-isipan ko rin noong bakasyon na gusto ko rin matuto ng bagong kakayahan. Matagal ko nang gusting pumasok sa mundo ng digital arts, at noong bakasyon ay aking nasimulan ang paglalakbay sa nasabing mundo.
Sa aking paglalakbay, aking unang tinahak ang photo manipulation at photo editing. Nanood ako ng mga bidyo sa internet para matuto sa nasabing sining. Una, naghanap muna ako ng mga litrato na maaring gamitin. Sunod, ipinatong ko ang iba’t ibang mga hugis at linya sa aking napiling litrato. Nilagyan ko rin ito ng mga litrato ng mga bulaklak. Pagkatapos, ay inayos ko na lamang ang layout ng mga bagay bagay. Ito ay mga halimbawa sa aking pagsisimula.
Bukod sa photo manipulation, sinubukan ko rin noong bakasyon ang paggawa ng vector art. Para sa matagumpay na output, inuna ko muna ang pagguhit ng sketch ng gusto kong makamit na disenyo. Kinakailangan ko rin pumili ng color scheme o mga kulay na gagamitin sa aking artwork. Pagkatapos, ay ginaya ko na ang aking sketch sa paggamit ng mga pangunahing hugis na ipinagsabay-sabay o ipinagpatong-patong.

Natapos ang bakasyon na marami akong nadiskubreng talento. Ngunit, hindi riyan nagtatapos ang aking paglalakbay. Sa pagsapit ng pasukan, ay mas nalinang ko ang aking mga kakayahan sa pamamagitan ng paggamit nito sa paaralan. Dumawa ako ng mga logo ng Supreme Student Government ng aming paaralan. Bukod pa rito, ay nagdisenyo rin ako ng poster ng aking sinalihang samahan, ang Iskolarts, upang hikayatin ang aking kapwa mga iskolar na sumali sa nasabing samahan.
Marami rin akong ginawang poster para sa mga aktibidad ng SSG tulad ng pagdiriwang sa araw ng mga guro, nighttime gig at isang leadership seminar.
Bukod sa aking talento sa sining, upang makapagtapos ng haiskul, kinakailangan ng bawat iskolar na matapos ang SCALE program. Para sa aking Action strand, napagdisisyunan kong subukan ang paglalaro ng table tennis. At dito ko nadiskubre ang aking talento sa paglalaro.
Sa tuwing araw ng Linggo, ay pumupunta ako sa Ligao upang mag-ensayo sa table tennis. Sa unang bahagi ng pag-eensayo, tinuruan ako ng aking guro ng pagtira sa bola gamit ang forehand at backhand. Para mas lalong masanay sa paglalaro, naglalaro ako kalaban ang robo-pong, isang makina na awtomatikong tumitira ng bola.

Kasabay sa pagtuto sa paglalaro ng table tennis, ay sinubukan ko rin matuto ng iba pang uri ng sining. Isa sa aking mga sinubukan ay ang paggawa ng line art. Ang line art ay isang uri ng sining kung saan iginuguhit ang outline ng mga bagay at naglilikha ng minimal na art style. Sa aking mga inilikhang line art, nagging hilig kong gumuhit ng mga bungo biliang aking mga paksa.
Ngunit kahit gaano karami pang bagong talento ang aking maiidiskubre, mayroon akong isang talento na patuloy kong papaunlarin, ang aking kahusayan sa pamumuno. Simula pa noong bata pa ako ay lagi na akong kasama sa mga student leaders at noong pumasok ako sa PSHS-BRC, ay saka ko lang napagtanto na importante pala sa akin ang pagbibigay serbisyo sa kapwa ko iskolarts. Simula noon, ay lagi kong isinisigurado na ibinibigay ko ang lahat ng aking makakaya sa lahat ng mga gawain na isinasagawa ng SSG. At higit sa lahat, isinisigurado ko na ako ay nagiging tulay sa pagitan ng kinatawan ng mga mag-aaral at ng administrasyon ng aming paaralan.
Ngayong taon, tunay na mas humusay ako sa aking mga talento at mas marami akong naidiskubreng bagong mga talento. Ngunit, alam kong hindi pa nagtatapos ang aking pakikipagsapalaran sa mundo ng mga talento. Patuloy akong maglalakbay dahil alam kong marami pa akong mahahanap na talento. At kasabay nito, ang aking mga kasalukuyang talento ay alam kong patuloy ko ring paghuhusayin. Dahil sa bawat hakbang na aking itinatahak sa mundo ng mga talento, ay mas lumalapit ako sa aking mga pangarap.













































































































