TeaChess

Isinulat ni Jed Arcilla

Naaalala ko pa yung mga pagkakataon na pinapagalitan ako ni papa dahil sa mga kalokohan at kakulitan ko habang naglalaro ng chess. Tinatawanan rin lang ako ni ate dahil hindi ko kayang icheckmate ang aking kalaban gamit ang queen. Namasdan ko na mahal na mahal talaga ni papa ang chess sapagkat mayroon siyang mga de kahoy na mga chessboard at mga libro hango sa kanyang paboritong grandmaster na si Gary Kasparov sa aming bahay. Sa bawat araw na umuuwi ako galling paaralan ay agad-agad akong pinapabasa at pinapanalyze ng mga laro sa chess. Kung minsan, pinapalaro niya ako sa mga matatanda.  Pagkatapos ko magbasa ng libro’y naglalaro kami ni papa ng isang laban bago matulog. Lagi lang naman akong talo at nagsisimula na akong magsawa. Sinasabihan lagi ako ni papa na dapat ang bawat galaw ko sa chess ay dapat may silbi at dapat kong seryosohin ang bawat laro. Hay nako, dito nagsimula ang pasakit ko simula Grade 2.

Matapos ng ilang daang pagkatalo, tinatanong ko lagi si papa kung bakit lagi niya akong pinapalaro sa mga matatanda lalo na yung mga adik sa chess na sa mga kalye kalye. Nakangiti lamang siya. Isang bagay lang naman ang nagpapasaya sakin kung bakit ako naglalaro ng chess, iyon ay ang paglilibot sa iba’t ibang lugar sa Bicol dahil sa pagsali ko sa iba’t ibang mga tournaments. Naaalala ko lagi na sa bawat tournament na lumipas ay lagi akong ginagantimpalaan bilang “Top Kiddie” kahit mababa lang naman score ko kung ikukumpara sa ibang matatanda. Dahil diyan, napaisip ako na baka ang paglalaro ko sa mga matatanda ang dahilan kung bakit nanalo ako sa ibang mga batang kasing edad ko.

Matapos ng kaunting panalo, Namamasdan kong unti-unti nang nawawala ang mga beses na pinapagalitan ako ni papa. Naaalala ko na sa bawat laro na tinatalo ko siya ay lumiligaya siya sabay ngiti. Nakikita ko siyang pinagyayabang ako sa ibang matatanda kung gaano raw ako natuto ng chess kumpara sa dati kong sarili.

Matapos ng maraming panalo, nabigyan ako ng pagkakataong sumali sa Palarong Bicol nung Grades 5 at 6. Nakamit ko ang 2 bronze medals, isang silver at isang gold medal. Biglang nagbago ang chess career ko nung grade 6 nang bigla akong makapasa sa NCE (National Competitive Examination) sa Philippine Science High School- Bicol Region Campus.

Sa buhay ko sa sekondarya, nagsisimula na akong magtanong-tanong sa tatay ko kung bakit ako naglalaro ng chess. Dahil di niya naman ako mabigayn ng sagot, huminto ako sa pagsali sa mga tournaments at unti-unti na akong tumigil maglaro. Sa tamang panahon, nagkausap kami ni papa ng masinsinan tungkol sa dahilan ng paglalaro ko ng chess at lumipas ang oras na pumunta kami sa isang tournament. Makalipas ng ilang oras, natanto ko na marami palang naitutulong sakin ang chess sapagkat hindi ko lang napapansin. Ukol sa mga research, ang paglalaro ng chess ay nagpapagaling ng academic performance. Napaisip rin ako kung bakit ang mga Russian Schools ay may chess bilang asignatura sa kanilang pagaaral. Masayang masaya ako dahil napagtanto ko na sa bawat gantimpalang natatanggap ko sa entablado’y laking tuwa ang naiaambag ko sa aking mga magulang. Sinabihan ako ni papa na ang rason ko raw ng paglalaro ay mahahanap ko sa tournament na iyon. Napagmasdan ko na ang raming mga maliliit na batang mahilig sa chess na naglalaro. Bigla kong naalala yung mga beses na kalaro ko yung mga matatanda nung bata pa lamang ako. Dahil dito, binigyan ako ni Lord ng bagong dahilan at ito ay tulungan yung ibang mahilig sa chess matuto.

Tulad ng chess, ang pagsasakripisyo ng piyesa ay pwede mo siyang gawin sa bawat sitawasyon o pagsubok. Pwede ang kalabasan nito’y napakalupit na panalo or nakakahinayang na pagkatalo. Mahirap ang mga ganitong bagay pagisipan pero darating rin ang tamang oras na gagaling ka at mas handa kana sa mga pagkakataong haharapin ang mga pagsubok. Para saakin, magtiwala lang sa Diyos dahil hindi siya magbibigay ng mga problemang kaya nating solusyunan sapagkat tinutulungan niya tayo malagpasan ang mga problemang ating hinaharap.

Sa aking paglalaro ng chess, may plano akong maging isang Grandmaster sa hinaharap. Sa karagdagan, gagawin ko ito habang nagtuturo sa mga taong handang magsakripisyo ng mga oras nila para matuto maglaro ng chess. Gagawin ko ang aking makakaya upang mpasa ko aking mga nalalaman tulad ng pagturo sakin ng aking tatay.

Leave a comment