isinulat ni Tanya B. Litam
Isang walis ng rosas sa mga pisngi
Mga pilikmatang sinuklayan ng itim
Mapupulang labi mula sa isang lahid
Mga matang kumikinang sa pagtama ng liwanag
Mga maliliit na detalye ngunit
Napakalalim ng kahulugan para sa marami
Kung para sa iba ay pagnanais na magtago, para sa kanila ay pagtatanggap sa sarili. Kung para sa iba ay pag-iinarte, para sa kanila ay paglalahad ng mga kathang-isip. Kung para sa iba ay pagsuot ng maskara, para sa kanila ay pagsuot ng korona.
Mula sa mga mandirigmang nakipaglaban dulot ng mga away na
namagitan sa mga Rajah ng mga sinaunang tribo, hanggang sa mga sundalong isinakripisyo
ang init ng yakap ng kanilang pamilya alang-alang sa kaligtasan ng buong bayan
noong panahon ng mga digmaang pandaigdig, ang mga pinturang ipinapahid sa kanilang
mga mukha ay gumanap ng malaking papel at nagbigay ng marami at magkakaibang
simbolo para sa isa’t isa.
Pagkamatatag, pagkamaliksi, pagkamatapang, pagkamatagumpay, at iba’t iba pang kahulugan.
Ang mga pintura ng digmaan ay ang nagtago sa kanila mula sa kalaban noong sila’y nasa kahuyan at kagubatan. Ang mga pintura ng dimaan ay ang nagpakita ng pagsasamahan at pagkakaisa. Minsa’y malalaman ng isang sundalo na kasamahan niya ang nakikita niya sa dilim sapagkat namamata niya ang mga itim na linya sa may pisngi ng lalaking nagtatago. Pagkabalik ng mga mandirigma mula sa labanan ng magtitribo ay lalagyan ng bagong guhit ang kanilang mukha o katawan dahil sila’y nagtagumpay at nakauwi sa kanilang tribo nang buhay.
Ang mga kulay na ito ay ang siyang nagbibigay lakas sa mga
sundalo at mga mandirigmang ito. Tuwing nasisilayan nila ang guhit at linya sa
kanilang mukha ay naaalala nila kung bakit sila lumalaban at ang kagustuhan
nilang manalo.
Kahit na ang tao ngayon ay namumuhay sa kalayaan at
katahimikan na ipinaglaban ng mga mandirigma at sundalo noon, nariyan pa rin
ang presensya ng mangilan-ngilan na araw-araw pa ring naglalahad ng mga pintura
sa kanilang mga mukha, bahagi ng preparasyon sa haharaping laban.
Kung noon ay pinupuri ang mga kalalakihang tadtad ng pintura ang mukha, ngayon naman ay sobra-sobra ang panghuhusgang natatanggap ng mga tagasuot ng pintura. Hirap na hirap ang lipunan sa pagtanggap sa mga lumalaban sa panahong ito. Maging direktang pagsasaad ng pamumuna o patagong mga bulong, hanggang sa masasamang komento at pambabash sa social media, dumadagdag lamang ang mga ito sa bigat at hirap ng laban na hinaharap sa araw-araw.
Kung noon ang mga may guhit sa mukha ay matataas ang kinatatayuan
sa lipunan at nirerespeto ng karamihan, ngayon ay akalain mong may ginawang
masama dahil sa talim at sama ng mga titig na natatanggap. Bata man o matanda,
lahat ay namamangha sa rami ng mga nakaguhit sa mukha ng mga mandirigma noon.
Subalit, ang mga nangyayari ngayon ay kabaliktaran ng nangyayari noon. Nawawala
ang ngiti sa mukha at halos manggigil sa kakahusga ang matatanda, habang ang
mga bata naman ay sinasabihang huwag na huwag tumulad sa mga nakikita nila na tila
ba’y may nagawa silang karumaldumal na krimen.
Bakit?
Ano ba ang ginawa nila na nakakaapekto sa inyo ng ganito? Ano ba ang kasalanang ginawa nila sa inyo? Sabihin mo kung anong masama sa ginagawa nila. Sabihin mo kung ano ang mali sa paghahanda ng sarili para sa laban? Ano ang mali sa pagnanais na mag-ayos ng sarili bago harapin ang kalaban? Ano ang mali sa pagpapalakas ng loob bago sumabak? Sa pagpapaniwala sa sarili na kaya kong lumaban? Na kaya kong manalo?
Gusto kong tanungin kung ano sa tingin mo ang pagkakaiba ng
mga guhit at pinturang inilahad sa mga mandirigma at sundalo sa mga koloreteng
araw-araw na sinusuot nila. Baka sabihin mong pampaganda lamang ang mga
kolorete at minsa’y natatakpan pa ang tunay na hitsura ng isang tao. Baka may
tinatago siya kaya’t naisipan niya na kailangan niyang magtakip. Baka wala siyang
tiwala sa sarili niyang kakayanan at kagandahan kaya’t naisip niyang gumamit.
Higit sa lahat, baka sabihin mo rin na gusto niya lamang na makaakit at
makakuha ng pansin mula sa iba kaya’t nag-aayos siya at nagpapaganda,
lahat-lahat.
Ito naman ang tanong ko.
Ano ba ang mali sa kagustuhang magpaganda at magmukhang maganda? Ano ba ang masama sa paggamit ng kolorete bilang pampadagdag sa natural na kagandahan? Ano ba ang hindi kanaisnais sa paggamit ng kolorete bilang panghugot ng lakas ng loob?
Lumiwanag ang kalangitan, hudyat ng bagong umaga
Ang sinag ng araw ay pumasok sa nakabukas na bintana
At dumilat ang kaniyang mga mata
Sa kaniyang karaniwang gawain bawat umaga
Ay mag-ayos at magpaganda
Sa hangad na lumakas ang loob niya
Sa kanyang sarili
hangad niyang maniwala
Na sa paglabas niya ngayong umaga
Ay lalaban siya at susulong sa giyera
Ngunit sa harap ng salamin niya’y napuna
Ang maliliit na mali at mga erata
Napagtantong hindi siya maganda
Na totoo ang mga sabi-sabi pala
Na sa ilalim ng mga pampaganda
Isang kaluluwang malungkot at nag-iisa
Ang basag na repleksyon ng isang manika
Kung sa pulang mga labi at makikintab na mga mata nahuhugot ng isang tao ang kaniyang lakas na loob para harapin ang kada araw ay sino ka para pigilan siya sa paghahanda sa laban? Ang buhay ay ang labang hinaharap nating lahat. Kailanma’y hindi ito naging madali sapagkat kung sa ngayo’y ika’y nasa taas at masigla, maya-maya’y akalain mong dala-dala mo ang bigat ng lahat ng problema at kalaban mo ang buong mundo. Ang daang tinatahak natin araw-araw patungo sa digmaan ay napakahirap at mapaghamon na nga, bakit niyo pa dadagdagan ang bigat ng responsibilidad ng taong magpatuloy na magustuhang mabuhay at lumaban?
Sa mga oras na ito, napakahalaga na tayo’y magkaisa at magtulungan. Sabay-sabay nating harapin ang lahat ng problemang maaaring makaharap at hindi natin pababayaan ang isa’t isa tuwing may nahihirapan at may nasasaktan. Kung ito ang nais gawin ng isang tao ay dapat suportahan natin siya dahil ito ang nagpapasaya sa kanya. Ang gawaing ito ay ang magpapaligaya sa kanya na magpapaalala sa kanya kung gaano kasarap mabuhay at kung gaano kasarap sa pakiramdam ang manalo sa laban. Sa mundong may pagkarami-raming nag-uudyok na sumuko, ang makahanap ng kahit isang rason para magpatuloy sa paglalaban ay ang bukod-tanging sagot sa tanong kung bakit tayo nabubuhay. Nabubuhay tayo para lumaban.
Para sa iba, ang paglagay ng kolorete sa mukha ay nagpapaligaya sa kanila sapagkat naaaliw sila o kaya naman ay nararamdaman nilang gumaganda sila. Ang pagguhit sa mukha ay maaaring maging simbolo ng kahit ano para sa kahit kanino. Ano man ang maging dahilan kung bakit naglalahad ng mga pintura sa mukha ang isang tao ay wala tayong karapatang manghusga at magsabing huwag nilang gawin iyon. Wala tayong karapatang kunin sa kanila ang pinanghuhugutan nila ng lakas ng loob, ng kagustuhang lumaban pa.
Ako ay isa sa kanila. Ako ay lumalaban araw-araw at
araw-araw akong naglalahad ng mga kulay at pintura sa mukha na may dangal at pagmamalaki.
Ako’y isa sa kanila na humuhugot ng lakas para lumaban sa kasiyahang
nararamdaman tuwing naglalahad ng kolorete sa mukha.
Ngunit may isa pa.
Sa pagsuot ng pintura ay siya’y lumigaya
At napagtantong kaya rin nitong paligayahin ang iba
Sa pagtulong at ang pag-aayos ay bumalik ang sigla
Ng mga pusong sumuko at nagpatalo, nagpaubaya
Sapagkat ang tumutulung mga luha sa mata ng iba
Ay kayang punasin ng mabuting kaluluwa
Sa pagpapaalala at pagbibigay ng suporta
Ay napapalala sa kanilang ‘wag sumuko, ‘wag kang bibitiw bigla
Dahil sabay-sabay nating malulutasan ang mga problema
Na sa dulo’y tayo’y magwawagi at
Sa paraang pagkikilala sa angking ganda
Naaalala mo ba ang mga taong namahala sa pagtutulong at
pagpapagaling sa mga mandirigma at sundalong nasugatan noong panahon ng giyera
at digmaan? Ang mga manggagamot na hindi lang nandoon para ayusin ang mga
pisikal na sugat kundi pati na rin para tulungan ang mga nawawalan ng liyab ang
mga pusong lumalaban. Hindi lang sila naroon para magpunas ng dugo at magbigay
ng gamot para maibsan
ang sakit kundi naroon din sila para magpunas ng mga luha at magbigay ng mga
nakakakalmang mga salita para manahimik ang mga pusong natatakot at nawawalan
ng pag-asa.
Sa mga oras na nababalot sa kadiliman at walang
makita-kitang katapusan, ang tao ay walang tigil na maghahanap ng kalutasan
hangga’t siya’y mapagod ng husto at maisipang sumuko.
Sila. Sila ang rason kung bakit gusto kong tumulong. Sila ang rason kung bakit nais kong maging manggagamot. Sila ang rason kung bakit ako patuloy na nag-aaral at nag-eensayo. Ang mga ngiting nasisilayan ko pagkatapos ng kalahating hanggang sa isang oras na paggagamot, Na minsa’y sunud-sunod ang pagdating ng aking mga pasyente, Na minsa’y hindi ko namamalayan na kailangan ko rin palang magpagamot, Na kailangan ko rin palang gamutin ang sarili ko.
Para sa akin, nabibigyan ng halaga ang lahat ng pagod at
sakit ng katawan sa pagpapagaling sa kanila sapagkat namamasdan ko ang pagbalik
ng liwanag at kintab sa mga mata ng tinutulungan ko. Tuwing titingin sila sa
salamin para pagmasdan ang gawa ko at palihim na ngingiti kasi maaaring
nahihiya o kaya’y ngingiti ng pagkalaki-laki, ay biglang naglalaho ang mga hirap
na naramdaman ko habang nanggagamot sa kanila. Para sa akin, ang pagbigay ng
rason para ngumiti sa isang tao ay isa sa mga pinakamahalagang gawain sa buong
mundo dahil napapaaalala sa kanila na kaya nila ito—na kaya nilang lumaban.
Nagsimula ang aking lakbay sa paghahanda ng sarili ko para
harapin ang kada araw na ako’y nabubuhay. Dahil sa totoo lang, sino ang
matutulungan ko kung ang sarili ko ay hindi ko lamang maiangat sa kadilimang
nakapalibot sa akin? Hinanap ko ang magiging sandalan ko at hugutan ng lakas ng
loob para lumaban. Nang nahanap ko ang isang paraan upang pasiyahin ang sarili
ko ay unti-unti rin akong natuto kung paano ibahagi iyon at pasiyahin naman ang
iba. Sa apat na taong nakalipas, nadaragdagan ang aking kaalaman kung paano
napapasa ang ngiting sumibol sa aking mukha patungo sa mukha ng kapwa.
Natutunan ko na sa paraan na nahanap kong pasiglahin ang sarili ay kaya rin
palang pasiglahin sila. Kagaya ng mga manggagamot sa panahon ng giyera ay
natutulungan kong pagalingin ang mga puso ng mga mandirigimang nakakasalubong
ko, dahil napapaalala ko sa kanila na maganda sila, may kolorete man o wala. Na
kahit gaano man kalakas ang kalaban, sa paligid o sa loob, ay may mga taong
naniniwalang kaya nilang panalunan ang laban.
Kung ang mga kolorete ay nagbibigay lakas at ligaya sa mga
taong napagmamasdan nating sumusuot nito, maging babae man o lalaki, ay
pakiusap ko, huwag na huwag niyo silang pipigilan, huwag na huwag niyo silang
huhusgahan, at huwag na huwag niyo silan iiwan. Dahil nahanap nila ang
sandatang naaakmama sa kanila at nararamdaman nila na kakayanin nila ang laban
na ito, na kaya nilang magwagi sa dulo. Pakiusap ko, na tuwing may nakikita
kang nakapalamuti ng mga pintura sa mukha, ay paulanan mo siya ng mga puri at
mga salita ng panghihikayat, kagaya ng pagsaludo mo sa mga aktibo at beteranong
mga lumaban para sa bayan. Bigyan mo siya ng rason para ngumiti dahil mayroong
nakakapansin sa mga paghihirap at mga pinaghihirapan niya.
Asul, kahel, dilaw, pula
Ano mang kulay ang makikita
Alalahanin ang aking mga salita
Maging taga-suot o taga-lagay ng pintura
Lahat ay sumusubok, lahat ay nagpapaligaya
Subalit alalahanin mo rin sana
Na gaano man kagaling ang gawa
Gaano kahusay ang obra maestrang linikha
Sa ilalam ng lahat ng pinturang panggiyera
Ay ang tunay na mandirigma
At ang kanyang angking ganda.