Fraulein

isinulat ni: Joben Peter T. Penetrante | 11- Physics

Para sa hindi nakakaalam, ang salitang “fraulein” ay salitang Aleman,
Na isang binibini o isang babaeng wala pang kasintahan ang kahulugan.
Sa panahon ngayon, sa dinami-daming babae, hindi na mabilang ang pwedeng masilayan,
Ngunit sa pamamagitan ng tulang ito, mga katangian ng iilang babaeng, nababagay tawaging fraulein, inyong malalaman.

Siyempre, ang unang ninanais ng isang lalaki ay isang babaeng maganda.
Pero huwag kalilimutan na ang kagandahan ay iba sa bawat taong nakakakita.
At hindi lamang ito tumutuloy sa panlabas dahil ang kalooban ay isa pa,
Sa mga batayan ng kagandahan ng isang dalaga.

Magsisimula ako sa mga pisikal na katangian,
‘Pagkat kahit sa isang may malabong paningin, ito ang unang napagmamasdan.
At dahil ito rin ay isa sa dalawang basehan,
Kung paano natutukoy ang kagandahan ng mga kababaihan.

Para sa’kin, kahit hindi mapungay, wala mang matingkad na kulay ang mata,
Basta’t kanyang napapansin ang kagandahan ng nasa paligid niya,
Isa siyang binibining may taglay na pambihira.
Kung ang ilong ay medyo hindi rin katangusan, ayos lang yan,
Dahil ang pang-amoy ng isang pango ay hindi naman nababawasan.
Tandaan na ang pang-amoy ay hindi lamang sa bango o baho ng katabi niya sa upuan,
Kundi ito rin ay tumutukoy sa kakaibang pakiramdam na nakaaapekto sa desisyon at katauhan,
Na maaaring magdala sa kanyang kapahamakan o kanyang kaligtasan.
Pagdating sa tenga, wala na akong kaartehan na sasabihin diyan,
Hangga’t siya’y marunong makinig, kahit sinong lalaki’y walang sawa siyang pakikinggan.
Dumako tayo sa bibig na para sa karamihan ng kababaihan, isang instrumentong gamit na gamit.
Sapagkat sa aking pagmamasid kaunti lamang ang mga babaeng marunong manahimik kung kailangan ngunit kaya pa ring buong-pusong magsalita kapag nagigipit.
Kaya kapag ito’y makita ng kahit sinong lumapit, wala na yatang mas kahanga-hanga at mas kaakit-akit.

Balat ang isa pang panlaban ng mga dalaga diyan.
Kahit ano ginagawa, makamit lang ang asam na kutis, kinis at kaputian.
Siguro ‘yan din ang pipiliin ng karamihan sa kalalakihan,
Subalit hindi ako lubos na sumasang-ayon sa argumentong iyan.
Dahil kung minsan, ang hindi makutis, hindi makinis, at hindi maputi, ay may baon ding kagandahan,
Sa kadahilanang tama sila sa paniniwalang hindi lamang ito ang tanging batayan,
O hindi kaya’y may mas importante silang bagay na pinaglalaanan.

Pero titigil na ako sa pisikal na anyo,
Dahil kung sa marka, dalawampung bahagdan lamang ang kanyang mabubuo.
Sa ugali pa ng isang babae mahuhulog ang natitirang walumpung porsyento.
Kaya kung ang babae ay maganda, hindi lamang sa labas kundi pati na sa loob, tiyak siya ay panalo sa lalaking puso.

Unang-una sa aking listahan ang pagiging mahinhin,
Na kapag hindi niya pa kalapit ang isang tao, halos hindi na mamansin.
Ngunit kapag mas nakilala mo na, lalabas ang kakulitan.
Isang simbolo na kahit mahirap man ang daan, sulit naman ang premyong naghihintay sa katapusan.
Kinabibiliban din ang isang babaeng marunong magpakumbaba.
Yung kahit iniligtas na niya ang buong mundo, kanya pang ikakahiya,
At mas pipiliing magmasid sa gilid habang patagong nagsasaya.
Nakakatuwa ring makita sa isang babae ang pagiging palabiro.
Patunay na marunong din siyang magsaya, magpasaya at hindi laging seryoso.
Susunod na katangian ang pagiging palaban.
Kahit anong problema at pagsubok ang dumaan,
Kanya itong haharapin at papalagan, hindi tatakbuhan o tatalikuran,
Dahil alam niyang kaya niya itong malagpasan.
Hindi naman yata mawawala ang pangarap sa buhay,
At ang kaisipan na ang kanyang kinabukasan ay sakanya nakasalalay.
Ang pagiging maunawain ay hindi rin pahuhuli,
Sapagkat ang lahat ng pag-aaway ay naiiwasan kung kahit ang isa ay marunong umintindi.
Para sa kahuli-hulian ngunit ang pinakamahalaga.
Ang pagiging mapagmahal na halos lahat ng iba pang magandang katangian nagmumula.
Sapagkat kung ang babae ay sa pagmamahal marunong magbigay at tumanggap,
Siya ay isang babaeng karapat-dapat ingatan dahil ang ganoong katangian ay mahirap mahagilap.

At doon nagtatapos ang medyo mahabang listahan,
Na para sa akin, magandang taglayin ng mga kababaihan.
Tunay na mahirap ang masilayan ang lahat ng iyon sa iisang katawan,
‘Pagkat ‘yon ay galing sa iba’t ibang katauhang aking napagmasdan.
Kaya naman kung ang babae ay may kahit isa lamang doong taglay na katangian,
Sa tingin ko’y isa na siyang tunay na binibini o isang tunay na fraulein.

Leave a comment