Sa Isang Araw

Gawa ni Joshua Martin B. Velmonte

Isang Araw sa Buhay ni Joshua Martin B. Velmonte

Sa aking pag gising ng maaga sa relos na may alarma ng 4:30 ay kakailanganin ko na agad pag isipan ang aking gagawin sa mga susunod na oras. Sa aking pag iisip ay ako ay makakatulog muli hanggang sa ako ay muling magising ng sigaw ng aking Nanay sa paghahanda sa aking pagpasok sa eskwelahan.

Ako ay tatayo mula sa aking higaan at aayusin ito habang nasa proseso ng pag gising sa aking pinsan na kakailanganin rin ng malakas na kuyog upang magising mula sa kanyang kinahihimlayan. Ako at ang aking nakababatang pinsan ay uupo sa lamesa habang naghihintay ng pagkain. Ako, na nag tetelepono habang nagbabasa ng mga libro sa internet at ang aking pinsan naman na kinukutkot pa ang ilong upang maabot ang dumi na kailangang alisin sa umaga. Dadating ang pagkain at kami ng aking pinsan ay kakain ng madalian upang mapaaga rin sa paglakbay papunta sa aming mga responsibilidad ng pag-aaral bilang bata. Pakatapos kumain ay mauunang maligo ang aking pinsan habang patuloy ang aking pagbasa at paghahanap ng aking tuwalya. Pakatapos ng aking pinsan ay ako ay papasok na sa aking personal na mumunting palikuran.

Sa loob ay hindi ako agad magsisimulang magbuhos ng tubig sa aking katawan dahil sa lamig ng tubig at dahil na rin sa lugar na ito ako mahilig mag isip-isip sa maraming bagay, kasama na ang aking kailangang gawin sa eskwelahan at mga gusto kong gawin pakatapos nito. Ilang minuto pa ay magsisimula na akong maligo, magdadamit, magsisipilyo, magaayos ng bag, maglilinis at magsusuot ng sapatos, at lalabas ng bahay upang harapin ang araw ng maayos at handa.

Sa aking pag lakad papuntang terminal ng dyip ay aking madadaanan ang matagal ko ng ginagamit na daan. Ako ay titingin sa aking harapan habang naglalakad ng may bilang. Ako ay minsang titingin sa gilid at sa likuran upang siguraduhing ang aking dinaraanan ay ligtas. Itutuloy ko ang aking lakad hanggang sa ako ay makaabot sa aking unang sasakayan. Ako ay aakyat ng dyip at uupo sa aking gustong maupuan. Kukunin ko ang barya sa aking bulsa at magbabayad ng maaga para hindi na magambala sa biyahe.

Aking babasahin ang libro saaking telepono habang naghihintay na mapuno ang sinasakayan ko at magsimula ang biyahe papunta sa pinapasukan ko. Makaraan ang ilang minuto ay nasa PSU na ako ng Goa. Bababa sa dyip at pupunta sa isang kanto para maghintay ng traysikel habang tinatanong muli ang sarili ko kung ano ang gagawin para sa araw na ito. Mayamaya pa ay may traysikel ng pipigil para tanungin ako ng “Pisay?” at kung minsan naman ay “Magkano bayad mo?”. Sasagutin ko ang tagamaneho ng maayos depende sa tanong niya. Sasakay ako at ihahanda ang aking bayad bago makarating sa eskwelahan.

Pakarating sa eskwelahan ay magbabayad at magpapasalamat ako sa tagamaneho. Maglilista sa “EXTERNS” na logbook at maglalakad papunta sa aking silid-aralan kung saan ko makikita ang aking mga kaibigan at ang pinakamamahal kong upuan.

Ako ay uupo, mag aayos ng gamit at maghihintay na magsimula ang klase. Pakatapos ay kakain ako ng tanghalian ng mag-isa. Babalik sa silid at magsisimula na ang ikalawang parte ng klase. Pagkalipas ng alas tres ay matatapos ang klase at may oras na kami para gumawa ng mga kung ano ang kailangan naming gawin para bukas at mamayang gabi. Sa pagsapit ng alas kwatro-imedya ay makakuwi na kami ng mga kaibigan ko sa aming mga bahay na malayo-layo pa. Magsisimula muli ang aking biyahe pauwi ng masaya. Bababa sa simbahan ng aming parokya at maglalakad na naman pauwi ng aming mumunting bahay.

Pipigil sa harap ng aming pintuan, aalisin ang sapatos, at papasok habang hinahanap ang aking nanay para magbigay ng mano. Kadalasan ay wala siya sa pag dating ko dahil hindi pa siya tapos sa kanyang trabaho kaya inaayos ko na muna ang aking mga gamit at aking sarili para maghanda na sa hapunan. Magbabasa ako ng libro habang naghihintay sa pagkain kasama ng pinsan ko. Kakain, maninipilyo, hihiga at tutulog para sa susunod na araw kung saan uulitin ko na naman ang nakakasawa ngunit masayang gawain pag-gising ko ng maaga, pagod at nakatunganga.

Leave a comment